Hindi Madali
Hindi madali ang umibig.
Sana kung ang pag-ibig ay parang pag-aalaga lang ng isang aso,
na kung saan lahat ng iyong pagmamahal ay masusuklian.
Pero hindi.
Ang pag-ibig ay parang pag-aalaga ng isang tigre,
hindi mo alam kelan ka masasakmal.
At kung sino ang dumikit at mahulog ng husto, ay siyang talo.
Hindi madali ang umibig.
Sana kung ang pag-ibig ay parang pagbili lang sa SM,
na kung saan ikaw ay masusuklian kahit gaano kalaki pa ang iyong ibigay.
Pero hindi.
Ang pag-ibig ay parang pagpapautang sa iyong kaibigan, parang pagbabayad mo sa isang taxi driver, parang pagbibigay mo ng lahat sa isang magnanakaw...
na kung saan minsan ito'y di nababayaran, hindi nasusuklian, at kadalasan, ikaw pa ang masasaktan kahit binigay mo na ang lahat.
Hindi madali ang umibig.
Year 2016 - Unti-unti akong nahulog sa'yo. Nasabi ko sa sarili ko, na ikaw na ang taong papakasalan ko. Isang taon ang lumipas, nasabi ko sa sarili ko na madali ang umibig, basta ikaw ang kasama, dahil lahat ng pag-ibig ko ay sinusuklian mo. Isang taon ang lumipas, naramdaman ko kung gaano mo ako kamahal, at ngayon ko lang ulit ito naramdaman. Isang taon ang lumipas, unti-unti mo rin akong binuo. Kaya di ko malilimutan, na isang araw pala ay unti-unti mo rin babawiin lahat ng pag-ibig na binigay mo sa akin. Para mo lang pala akong pinautang, at sa dulo, mas malaki pa ang sisingilin mo. Pero sino ba naman ako para magreklamo? Ikaw din naman ang bumuo sa akin, siguro tama lang na ikaw din ang sumira. Muli kong naranasan, na hindi pala madali ang umibig.
Sinubukan Ko
Kaya, sinubukan ko magsulat,
Mga kuwento at kanta,
Musika at tula,
Dahil gusto mo, dahil gusto ko
Bawat letra ikaw ang laman,
Bawat liriko ikaw ang pinapatamaan
Kulang na lang, sabihin ko sa'yo ng harapan
Pero kulang pa ba? O sadyang manhid ka lang?
Parang bola mo na 'kong pinaglaruan,
Bakit hanggang ngayon hindi mo parin alam?
Ano ba talaga ang iyong nararamdaman?
Sinubukan ko naman magbago,
Sinubukan ko naman tumawid sa kalsadang mabato,
Sinubukan kong maniwala sa mga bagay na hindi ko gusto,
Sinubukan ko, pero kulang pa ba?
Natuto akong magsulat,
Natuto akong maniwala,
Kinalimutan ko na ang lapis ay may pangbura,
Kinalimutan ko na ang puso ko ay puwedeng umibig sa iba
Kung ang pag-ibig ay parang hikaw na puwedeng tanggalin,
Matagal na siguro kitang pinalitan
Kung ang pag-ibig ay parang payong na kailangan lang pag may ulan,
Matagal na sana kitang kinalimutan
Pero hindi. Alam ko, dahil sinubukan na kitang kalimutan.
Alam ko, dahil parang pagbabasa at pagsusulat, na hindi kayang kalimutan.
Sinubukan ko.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento